Nakiisa ang mga empleyado ng Manila Water mula sa East at Non-East Zone operations sa ginanap na International Coastal Cleanup (ICC) 2026 sa Dolomite Beach, Manila Bay.
Nakiisa ang mga empleyado ng Manila Water mula sa East Zone at Non-East Zone operations sa libo-libong boluntaryo para sa taunang International Coastal Cleanup (ICC) 2026 na ginanap sa Dolomite Beach, Manila Bay kamakalawa, Setyembre 19, 2026.
Sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region (DENR-NCR), nakapagtala ang naturang inisyatibo ng humigit-kumulang 36,897 volunteers mula sa mga pribadong kumpanya, non-government organizations (NGOs), mga paaralan, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa ulat ng DENR-NCR, umabot sa kabuuang 168,395 kilo ng basura ang nakolekta mula sa iba’t ibang cleanup sites sa buong Metro Manila.
Bilang bahagi ng suporta sa aktibidad, naglagay ang Manila Water ng hydration station sa lugar upang magbigay ng libreng inuming tubig sa mga boluntaryo at maiwasan ang anumang insidente ng heat-related illness sa gitna ng paglilinis.
Ayon sa kumpanya, ang kanilang pakikibahagi sa ICC ay nagpapakita ng patuloy na commitment sa pagprotekta sa mga yamang-tubig sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa komunidad at tuluy-tuloy na pamumuhunan sa sanitation facilities.
“Protecting waterways requires collective action from communities, businesses, and government organizations. Through initiatives such as the International Coastal Cleanup, we are able to contribute directly to environmental stewardship while reinforcing the importance of proper sanitation, wastewater treatment, and responsible waste management in safeguarding our rivers, esteros, and coastal areas,” saad ni Dittie Galang, Manila Water Corporate Communications Group Head.
Bukod sa volunteer activities, patuloy rin ang Manila Water sa pagpapalawak ng kanilang mga programa sa wastewater management upang mapabuti ang kalidad ng tubig sa mga ilog at baybayin.
Kabilang sa mga kamakailang proyekto nito ang 60-million-liter-per-day Aglipay Sewage Treatment Plant (STP) sa Mandaluyong City at ang 16-million-liter-per-day Hinulugang Taktak STP sa Antipolo City.
Tinitiyak ng mga pasilidad na ito na dumadaan sa masusing treatment processes ang maruming tubig mula sa mga kabahayan at establisimyento bago ito ligtas na ilabas sa mga anyong-tubig.
Kasabay nito, aktibo rin nilang isinusulong ang buwanang desludging program o pagpapasipsip ng poso negro sa mga kasaping barangay. Hinihimok ng kumpanya ang mga customer na tangkilikin ang serbisyong ito upang maiwasan ang pag-apaw ng untreated wastewater at mapanatiling malinis ang kapaligiran at mga daluyan ng tubig.
Ang patuloy na pagsuporta ng Manila Water sa International Coastal Cleanup ay bahagi ng kanilang adhikain para sa environmental sustainability at pagsuporta sa mga programa ng pambansang pamahalaan sa rehabilitasyon ng mga ilog at baybayin sa bansa.
