May 4, 2024

Magkapitbahay pinatay sa lamay sa Caloocan

PATAY ang dalawang construction worker matapos pagbabarilin ng nag-iisang hindi kilalang suspek habang nakikipaglamay sa nakaburol na kapitbahay sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Dead-on-arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Antonio”, 34, ng Phase 8 Barangay 176 Bagong Silang sanhi ng tama ng bala sa kanang dibdib samantalang nasawi rin habang nilalapatan ng lunas ang kanyang kalugar na si alyas “Jay”, 29, dahil sa tama ng bala sa kanang tadyang.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nasa burol ng namayapa nilang kapitbahay ang mga biktima at nakikipaglamay nang dumating ang suspek dakong alas-4:40 ng madaling araw saka pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas patungo sa main road ng Phase 8.

Kaagad namang nagresponde at nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng East Bagong Silang Police Sub-Station 13 subalit, nabigo silang madakip ang suspek.

Iniutos na ni Col. Lacuesta ang pagrerebisa sa mga kuha ng CCTV camera sa lugar at sa mga kalsadang tinakbuhan ng suspek na maaring makatulong para makilala ang salarin habang inaalam pa ang motibo insidente.