Mga Mandudula
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
KAUGNAY sa pagdiriwang ng ikaisandaan at dalawampu’t walong (128) anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ay ipinalabas ang “Mabining Mandirigma: A Steampunk Musical” sa Tanghalang Metropolitan (Metropolitan Theater o MET, itinatag 1931) noong 12 Hunyo 2026 Biyernes ng gabi.
Ang makasaysayang produksyon ay itinampok ang buhay ng utak ng rebolusyon na si Apolinario Maranan Mabini (1864-1903). Muling itinanghal sa tanghalan ng MET na may mas matatag at mas malapit na pagtatanghal, sa panulat ni Nicanor Tiongson at sa direksyon ni Chrid Millado.
Dumalo sa pagtatanghal sina National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992) Deputy Executive Director for Operations Bernan Joseph, National Historical Commission of the Philippines (NHCP, itinatag 1933) Tagapangulo Regalado Trota Jose Jr., at Tanghalang Artistic Director Nanding Josef, na kapuwa nagbigay ng mensahe bago ang pagtatanghal.
Ang Mabining Mandirigma ay nagtataglay ng mga steampunk na elemento kasama ang dramatikong musika na pinangunahan ni Joed Balsamo. Ang musical ay nagdadala sa mga manonood sa talino, pakikibaka, at mga prinsipyo ni Mabini.


Bagamat mahigit isang dekada na mula nang unang maitanghal at nakatanggap ng maraming parangal mula sa Gawad Buhay Awards – ang Mabining Mandirigma ay nananatiling isang makapangyarihang paalala kung ano ang ibig sabihin ng mamuno nang may layunin.
Ang husay at galing ng mga gumanap na artista ay hindi matatawaran. Ang tanghalan at aspektong teknikal ay hindi nakakabagot, bagkus ay tila naglalakbay ang manonood sa panahon ng pangyayari sa buhay ni Mabini. Maganda ang napiling piyesa ng mga awit at tunog na naaangkop sa daloy ng kuwento. Ang mga diyalogo ay madaling maunawaan na ang bawat salita ay tumatagos sa puso ng mga manonood. Hindi maikakaila na ang ‘Mabining Mandirigma’ ay pang-world class na maaaring maihanay sa mga dulang musikal sa ibang bansa.
