(File photo)
Itinalaga si dating Albay governor at congressman Joey Salceda bilang bagong pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) sa ilalim ng administrasyong Marcos, ayon sa source ng Agila ng Bayan.
Ang ulat ay lumabas matapos magpahiwatig si Salceda hinggil sa kanyang bagong tungkulin sa pamahalaan noong Biyernes, sa gitna ng pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Polangui, Albay.
“I am taking a high position in the administration (Hahawak ako ng mataas na posisyon sa administrasyon),” pahayag ni Salceda sa naturang kaganapan.
BASAHIN: Marcos idineklara 19 holidays ngayong Hunyo
Bitbit ni Salceda ang kanyang malawak na karanasan sa lokal at pambansang pamahalaan.
Nagsilbi siya ng tatlong magkakasunod na termino bilang gobernador ng Albay mula 2007 hanggang 2016, at kalaunan ay naging kinatawan ng lalawigan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa loob ng dalawang termino.
Hindi rin bago para kay Salceda ang magtrabaho sa Malacañang, kung saan nagsilbi siya rito bilang Chief of Staff sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bilang bagong pinuno ng PLLO, inaasahang gagampanan ni Salceda ang mahalagang papel sa pag-uugnay at pagpapadaloy ng mga legislative agenda o mga prayoridad na batas ng administrasyong Marcos sa Kongreso.
