May 12, 2024

LOLO PATAY SA HIT-AND-RUN

NASAWI ang isang lolo nang mabundol ng rumaragasang motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kaagad binawian ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si Edwin Esquilla, 69, tubong Lucena, Quezon province, at residente ng Road 10, NBBS Proper.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, tumakas ang driver ng motorsiklo patungong Maynila kahit pagewang-gewang na ang takbo bunga ng pinsala ring tinamo sa lakas ng pagkakabundol sa biktima.

Sa imbestigayon ni P/SSg Mildan Espenilla, dakong alas-5:30 ng umaga, naglalakad sa gilid ng kalsada sa Road 10, sa Brgy. NBBS Proper ang biktima nang mahagip ng motorsiklong Mio 125 na minamaneho ng suspek

Tumilapon ang biktima at tumama ang ulo nito sa simento na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan habang sa halip naman na tulungan ang matanda ay pilit na pinatakbo ng suspek ang nasira niyang motorsiklo para tumakas. Iniutos na ni Col. Cortes ang pagtugis sa tumakas na rider habang sinusuri na rin ng kanyang mga tauhan ang kuha sa mga CCTV na nakakabit sa lugar para makilala ang suspek.