Inutusan ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na ipatupad ang libreng sakay sa lahat ng linya ng MRT-3 at LRT-1 at LRT-2 sa Nobyembre 10 at 11, bilang tugon sa matinding abala at pagka-stranded ng mga commuters dahil sa Super Typhoon Uwan (Fung-wong).
Ayon sa Malacañang, layunin ng libreng sakay na mapagaan ang pasanin ng mga pasahero na naapektuhan ng pagbaha at malakas na ulan sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.
Bukod sa tren, magpapatupad rin ng libreng bus services ang Office of the President, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at opisina ni Sen. Erwin Tulfo sa Lunes para sa mga apektadong pasahero. Kasama sa mga ruta ang:
- Quiapo-Fairview
- Quiapo-Angono
- Lawton-Alabang
- Roxas Boulevard-Sucat
- Taft-Cubao
Ayon sa mga opisyal, puwedeng ipagpatuloy hanggang Martes ang programa depende sa pangangailangan ng mga commuters.
Ang PPA ay nag-waive rin ng Roll-on/Roll-off (RoRo) terminal fees para sa mga sasakyan na nagdadala ng rescue equipment at relief goods, maging ito man ay gobyerno o pribadong sektor. Katulad nito, tinanggal din ang cargo fees ng local airlines para sa mabilis na paghahatid ng emergency aid.
Ani Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, inutusan na rin ang Toll Regulatory Board na payagan ang toll-free passage sa mga sasakyan ng rescue at emergency operations.
“The DOTr’s full force is now focused on our countrymen affected by Super Typhoon Uwan. The President has strictly ordered us to do everything to facilitate the delivery of aid, so we have mobilized all transportation sectors to expedite government relief and rescue operations,” pahayag ni Lopez.
Kasabay nito, namimigay ang gobyerno ng pagkain at tubig sa mga stranded passengers sa mga ports, docks, at bus terminals, habang minomonitor ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga airport na naapektuhan ng bagyo. Lahat ng flight sa apektadong lugar ay kinansela o idinivert, ayon sa ahensya.
Ang Land Transportation Office (LTO) ay nagpadala rin ng patrol cars mula sa iba’t ibang rehiyon para i-escort ang mga trucks na may relief goods at tiyakin ang ligtas na paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
“We are ready to deploy our vehicles and personnel to help mitigate the impact of Typhoon Uwan and support the affected areas,” ani LTO Chief Markus Lacanilao
