WALANG kawala ang isang lalaki na tumangay sa motorsiklo ng isang security guard nang masabat ng mga pulis sa Oplan Sita dahil sa pagdaan sa one-way road at hindi pagsuot ng helmet sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, mahaharap ang suspek na si alyas “Ariel”, 42, residente ng Zaragoza, Nueva Ecija sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Col. Bisayas na dakong alas-11:30 ng gabi nang iparada ng security guard na alyas “Romeo”, 47, ang kanyang motorsiklo sa binabantayang lugar sa Ever Memorial Garden sa East Service Road, Barangay Lawang Bato.
Pagbalik ng sekyu mula sa kanyang pag-iikot, nadiskubre niya na wala na ang kanyang motorsiklo at sa tulong ng mga bystander na nakasaksi sa insidente, nasundan ng biktima ang lugar na tinahak ng suspek hanggang makahingi ng tulong sa pulisya na agad inalarma sa mga kasama ang pangyayari.
Nagkataon naman na nagsasagawa ng “Oplan Sita” malapit sa naturang lugar ang mga tauhan ng Valenzuela Police Patrol Base 1, nang maispatan nila ang pagpasok ng isang rider sa one-way road at walang suot na helmet kaya sinita nila ito.
Nang hanapan ng ownership documents ay walang naipakita ang suspek hanggang sa dumating ang sekyu sa lugar at positibong kinilala niya na kanya ang naturang motorsiklo na dahilan upang arestuhin si alyas Ariel.
