BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, nakatanggap sila ng impormasyon na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang 33-anyos na si alyas “Boy”, kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.
Nang mag-isyu ang Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 288, Navotas City ng search warrant para sa paglabag sa R.A 10591, agad bumuo ng team si Col. Pinuela.
Katuwang ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at SWAT, kaagad sinalakay ng tauhan ng Police Patrol Base 3 ang bahay ni alyas Boy.
Dakong alas-4:45 ng hapon nang simulang halughugin ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang loob ng bahay ng suspek sa Brgy., NBBN, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng sa isang kalibre .22 pistol na may isang magazine na kargado ng limang bala.
Nang wala siyang naipakitang kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril, inaresto ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. (JUVY LUCERO)
