ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Anna Liza Logan, kasalukuyang Deputy Executive Secretry for Legal Affairs bilang kanyang bagong Chief Presidential Legal Counsel, ayon sa anunsiyo ng Malacañang nitong Martes, Disyembre 16.
Pinalitan ni Logan ang yumaong si Juan Ponce Enrile, na humawak sa nasabing posisyon mula sa pagsisimula ng administrasyong Marcos. Itinuturing na isang mahalagang pagbabago ang kanyang pagkakatalaga, lalo’t kilala ang 51-anyos na abogado bilang low-profile figure sa loob ng administrasyon.
Batay sa kanyang profile na inilathala sa website ng Philippine National Railways, may malawak na karanasan si Logan sa civil at criminal litigation, pati na sa family at labor cases, mga usapin sa Human Settlements Adjudication Commission, at corporate at commercial practice para sa mga kumpanya sa fintech at real estate development.
Nagsimula si Logan bilang associate sa Agabin Verzola Hermoso Layaoen & De Castro, isang law firm na kinabibilangan ni Pacifico Agabin, dating counsel ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada. Kalaunan, naging junior partner siya sa Marcos Ochoa Serapio and Tan (MOST)—ang ngayo’y defunct law firm ni First Lady Liza Araneta-Marcos. Noong 2019, itinatag niya ang Logan Masukat Ronulo Huang Law Office.
Si Logan ay nagtapos ng abogasya sa San Beda University at naging ganap na miyembro ng Philippine Bar noong 1998.
Bilang Deputy Executive Secretary, hindi lamang sa legal na usapin umikot ang impluwensiya ni Logan. Ayon sa mga source, may papel din ang kanyang opisina sa pagbe-vet ng mga appointee sa gobyerno.
Bago ang kanyang pagkakatalaga bilang chief legal counsel ng Pangulo, nag-apply si Logan bilang Ombudsman at itinuring na isa sa mga pangunahing kandidato, kasama sina Mike Aguinaldo at ang kalauna’y nahirang na Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla. Nakakuha si Logan ng suporta ng lima sa anim na miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC).
Sa kanyang aplikasyon bilang Ombudsman, inilahad ni Logan ang isang anti-corruption plan at nangakong tatanggalin ang isang memorandum noong panahon ni dating Ombudsman Samuel Martires na mahigpit na naglilimita sa access ng publiko sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno. Ang naturang mga patakaran ay kalauna’y pinaluwag sa ilalim ng kasalukuyang Ombudsman Remulla.
Sa kabila ng kanyang ugnayan sa Unang Ginang at sa kanyang mataas na posisyon sa Malacañang, iginiit ni Logan sa kanyang JBC interview na wala siyang naging papel sa anumang political campaign at hindi siya nakikilahok sa partisan political activities.
