INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P7,000 gratuity pay para sa mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno, dalawang linggo bago ang Pasko.
Sa Administrative Order (AO) No. 39 na nilagdaan noong Huwebes, Disyembre 11, ipinaliwanag ng Malacañang na ang naturang gratuity pay ay isang “nararapat na pagkilala sa kanilang sipag at mahalagang ambag” sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa, aktibidad, at proyekto ng pamahalaan, lalo na sa gitna ng umiiral na mga hamong sosyo-ekonomiko.
Ayon sa AO 39, walang natatanggap ang COS at JO workers na katulad na benepisyo na natatanggap ng mga regular na kawani ng gobyerno tulad ng mid-year at year-end bonuses, performance-based bonus, at personnel economic relief allowance, kaya’t ipinagkakaloob ang gratuity pay bilang dagdag na tulong.
Saklaw ng AO 39 ang mga COS at JO workers sa lahat ng national government agencies, state universities and colleges (SUCs), government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at local water districts.
Ang mga COS at JO workers na nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan ng aktuwal at kasiya-siyang serbisyo hanggang Lunes, Disyembre 15, at may kontratang epektibo pa sa parehong petsa, ay tatanggap ng P7,000 gratuity pay.
Para naman sa mga may mas mababa sa apat na buwang serbisyo, ipatutupad ang pro-rata basis.
Para sa may tatlo ngunit kulang sa apat na buwang serbisyo makakatanggap pa rin sila ng hanggang P6,000, habang para sa may dalawa ngunit kulang sa tatlong buwang serbisyo ay makatatanggap ng P5,000 at hanggang P4,000 naman para sa mas mababa sa dalawang buwang serbisyo.
Nakasaad sa AO 39 na ang pagpapalabas ng gratuity pay ay hindi mas maaga sa Disyembre 15.
Matatandaang inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang pagbibigay ng one-time gratuity pay para sa COS at JO workers noong 2024, bilang bahagi ng patuloy na pagkilala sa kanilang kontribusyon sa serbisyo publiko.
