Photo courtesy: Senate of the Philippines/FB
Maglalabas ng subpoena ang isang komite ng Senado laban sa Meta, ang parent company ng Facebook, matapos nitong muling hindi dumalo sa pagdinig kaugnay ng mga panukalang batas laban sa online disinformation, social media algorithms, at troll farms noong Lunes, Disyembre 15.
Inihain ni Senador Rodante Marcoleta ang mosyon sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, matapos kumpirmahin ng komite na hindi nagpadala ng kinatawan ang Meta, sa kabila ng pormal na imbitasyon. Sa halip, isang excuse letter lamang ang isinumite ng kumpanya, kahit paulit-ulit na nababanggit ang kanilang mga platform sa mga pagdinig.
Nagpahayag ng pagkadismaya si committee chairman Senador Robin Padilla at iginiit na dapat nang pilitin ng Senado ang pagdalo ng Meta.
“Noong 19th Congress pa ’yan, excuse ng excuse,” ani Padilla.
Kaagad na sinuportahan ni Padilla ang mosyon ni Marcoleta na i-subpoena ang Meta para sa susunod na pagdinig.
Kapansin-pansin ang kawalan ng Meta kumpara sa TikTok, na nagpadala ng kinatawan nitong si Yves Gonzalez, head of government affairs and public policy.
Pinangunahan ni Padilla ang pagdinig sa Senate Bills 191, 1441, at 1490, na ayon sa mga mambabatas ay magkakaugnay na tugon sa lumalalang problema ng disinformation sa bansa.
Ang Senate Bill 191 o ang Anti-False Content and Fake News Act ay naglalayong parusahan ang sinadyang paggawa at pagpapakalat ng maling o mapanlinlang na online content na nakapipinsala sa indibidwal, kaayusang panlipunan, o pambansang interes.
Papayagan nito ang DOJ Office of Cybercrime na maglabas ng takedown, rectification, access-blocking, at preventive takedown orders, na may due process at karapatan sa apela.
Ayon sa mga sumusuporta sa panukala, masyadong mabagal ang kasalukuyang mga remedyo kumpara sa bilis ng pagkalat ng pekeng balita online.
Ang Senate Bill 1441 o ang Social Media Fairness and Algorithmic Transparency Act ay tutok naman sa mga algorithm ng malalaking platform. Layunin nitong obligahin ang mga kumpanya na ipaliwanag kung paano niraranggo, pinalalakas, pinapahina, o itinatago ang content—lalo na ang may kinalaman sa politika—at sumailalim sa audit at transparency reports.
Sa explanatory note, binalaan ni Senate President Vicente Sotto III na mas pinapaboran ng algorithm-driven feeds ang sensational content kaysa beripikadong pamamahayag, na banta umano sa demokrasya.
Ang Senate Bill 1490 o ang Anti-Troll Farm Act ay naglalayong gawing krimen ang pagpapatakbo, pagpopondo, o pagtatago ng organized troll farms, kabilang ang paggamit ng pondo, pasilidad, o kagamitan ng gobyerno para sa coordinated disinformation campaigns.
Binigyang-diin ni Padilla na ang troll farms ay organisadong makinarya, hindi simpleng natural na kilos online, at may seryosong epekto sa pamamahala at pambansang katatagan.
Iminungkahi rin ni Sotto ang identity verification sa social media, kabilang ang posibilidad ng isang account kada totoong tao, na maaaring iugnay sa national ID, upang mapanagot ang mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon.
Sa pagdinig, iginiit ng mga mambabatas at resource persons na hindi aksidente ang pagkalat ng disinformation, dahil ang mga algorithm ang nagtatakda kung alin ang magvi-viral at alin ang mababaon—ngunit wala umanong ahensiya sa Pilipinas na may kapangyarihang mag-audit sa mga ito.
Ipinaliwanag ni Gemma Mendoza, lead researcher ng Rappler sa disinformation, na ang mga fact-checker ay nagre-rate lamang ng content, habang ang desisyon sa pag-label, pagbaba ng reach, o pagtanggal ng posts ay nasa kamay pa rin ng mga platform.
Samantala, sinabi ng PNP at NBI na kadalasang agad lamang tinutugunan ang takedown requests kung may kinalaman sa terorismo, child exploitation, o national security—habang ang political disinformation ay nakadepende sa kooperasyon ng mga platform.
Gayunman, iginiit ng mga mambabatas na hindi dapat masagasaan ang kalayaan sa pamamahayag.
“Sisiguraduhin po natin, hindi masasaktan ang malayang pamamahayag,” ani Padilla.
Nagbabala rin ang mga eksperto laban sa posibleng pang-aabuso sa cyber libel, at hiniling na malinaw na isama sa batas ang proteksyon para sa political speech, satire, parody, at public participation.
Inaasahang magpapatuloy ang pagtalakay sa mga panukala sa pamamagitan ng technical working groups sa mga susunod na linggo.
