ISINAGAWA ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang groundbreaking ng itatayong Panatag Flood Catchment Facility sa Barangay Dalandanan bilang pangmatagalang solusyon para wakasan ang pagbaha sa lungsod.
Ang itatayong pasilidad, ayon kay Mayor Wes Gatchalian ay may kakayahang mag-imbak ng humigit-kumulang na 3,000 cubic meters na tubig-ulan kaya’t inaasahang malaki ang maitutulong upang maiwasan at mabawasan na ang pagbaha sa mabababang lugar at karatig barangay ng lungsod.
Sinabi ng alkalde, ang itaas na bahagi ng flood catchment facility ay idinisenyo bilang isang aktibong transport park na may bike lane na maaaring magamit ng publiko para sa ehersisyo at ligtas na paglalakad at pagbibisikleta.
Layon din aniya ng proyekto na itaguyod ang isang mas ligtas, na lugar, hindi lang sa mga bata at matatanda, kundi para sa lahat ng mga residente ng Valenzuela.
Idinugtong pa ni Mayor Gatchalian na ang proyekto ay isang pang-matagalang solusyon sa problema sa pagbaha sa kanilang lungsod at naniniwala siyang maaari itong magsilbing modelo na puwedeng tularan ng iba pang lugar sa bansa, na madalas ding makaranas ng matinding pagbaha.
Sinabi pa niya na ang mga estratehiya ng LGU ay masulit ang mga magagamit na lupain upang maging mahusay, kapaki-pakinabang, at napapanatiling mga istruktura, tulad ng isang transport park at flood catchment facility. (JUVY LUCERO)
