NANGANGANIB umano ang pinakamalaking freshwater basin sa bansa, ang Laguna de Bay, dahil sa mga reclamation activity na isinasagawa sa ngalan ng mga “flood control project,” ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Carlos Primo David.
Sa Senate budget hearing, ipinakita ni David ang mga satellite photo na nagpapakita ng malawakang reclamation sa paligid ng lawa, partikular sa C6 area, na aniya’y ginagawa ng ilang lokal na pamahalaan at pribadong kumpanya — sa kabila ng umiiral na pagbabawal.
“Ang Laguna de Bay ay unti-unti nang ginagawang real estate,” babala ni David.
Bagama’t binanggit niya ang apat na lokal na pamahalaan na sangkot, tumanggi siyang pangalanan ang mga pribadong entidad sa likod ng sinasabing “ilegal na reclamation.”
Ang DENR ay may mandatong pangalagaan ang kalikasan at tiyakin ang sustainability ng likas na yaman.
Noong 2023, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng 22 reclamation project sa Manila Bay, ngunit di nagtagal ay dalawa rito ang pinayagang ipagpatuloy sa ilalim ni dating Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, sa kabila ng pagtutol ng mga environmental at fisherfolk group.
Ayon sa ulat ng University of the Philippines at DENR noong Abril 2025, napatunayang ang mga reclamation project ay nakasisira sa marine biodiversity, nagpapalala ng pagbaha, at nagbabanta sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa lawa, ngunit binatikos dahil sa Environmental Users Fee (EUF) — isang patakaran kung saan pinagkakaltasan ng bayad ang mga establisimyento kapalit ng paglalabas ng maruming tubig sa lawa.
Kabilang sa mga pangunahing polluter ng lawa ang fast food chains, restaurant, at housing subdivisions.
Noong Abril 2024, kinilala ng LLDA na walang permit ang karamihan sa mga reclamation activity sa paligid ng lawa. Bagama’t nagpatupad ito ng moratorium sa Shoreland Development Clearance, nananatiling aktibo ang ilang proyekto, ayon sa grupong Pamalakaya.
“Maraming illegal reclamation projects — walang permit, pero tuloy ang operasyon,” ayon kay Fernando Hicap, chairman ng Pamalakaya.
Binigyang-diin niya ang Taguig City, kung saan may reclamation na umano’y umabot sa 10 ektarya.
Tinatayang 90,000 tonelada ng isda kada taon ang nalalambat sa Laguna de Bay, na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng protina para sa milyon-milyong residente ng Metro Manila.
Ngunit dahil sa polusyon at reclamation, bumaba na sa P35–P40 kada kilo ang bentahan ng isda mula sa lawa, kumpara sa P70–P80 mula sa mga fish cage at fishpond.
Ayon sa datos ng Agila ng Bayan, laganap ang illegal reclamation hindi lang sa Laguna de Bay kundi sa Maynila, Las Piñas, Muntinlupa, at Taguig, gayundin sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Cebu, at Davao.
Itinuturing itong dahilan ng mga “missing esteros” — mga ilog at sapa na natabunan ng mga bagong gusali at real estate development.
Mula pa noong 2012, inamin ng dating MMDA chair Francis Tolentino na isa sa mga pangunahing sanhi ng malalang pagbaha sa Metro Manila ay ang pagkawala ng mga daluyan ng tubig na ngayo’y nasa ilalim ng mga gusali at kalsada.
Sa kabila ng mga babala, nananatiling hamon sa gobyerno ang pagpapatigil ng illegal reclamation at pagbawi ng mga titulong ibinigay sa mga dating estero at floodways.
Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, babala ng mga eksperto, maaaring tuluyang mawala ang Laguna de Bay bilang pinagkukunan ng isda, tubig, at kabuhayan — isang trahedyang ekolohikal na matagal nang binabalewala.
