OPISYAL nang tinanggap ng Pilipinas ang pamumuno sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) matapos ang pormal na turnover ceremony sa pagtatapos ng 47th ASEAN Summit nitong Martes, Oktubre 28.
Sa seremonyang ginanap sa Kuala Lumpur Convention Centre, ibinigay ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ang simbolikong tungkulin ng ASEAN chairmanship kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mangunguna sa rehiyonal na samahan para sa taong 2026.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Anwar ang kahalagahan ng katatagan at katuwiran sa pamumuno ng ASEAN.
“In today’s world where constancy is a rare virtue… ASEAN must be governed by reason if we are to endure,” ani Anwar.
Bago tuluyang ipasa ang tungkulin, nagbiro rin ang Malaysian leader:
“To my friend, Bongbong, good luck. I have every confidence that under your steady hand, ASEAN will continue to act with clarity and warmth for which the Filipino people are known.”
Nagpasalamat naman si Marcos kay Anwar at sa Malaysia sa matagumpay na pamumuno sa taong 2025.
“Malaysia steered ASEAN with clarity and conviction. The Philippines is committed to carrying forward its momentum,” wika ni Marcos.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Pangulo ang temang gagabay sa pamumuno ng Pilipinas.
“Navigating Our Future, Together” — isang panawagang pagtutulungan ng mga bansa sa ASEAN upang palakasin ang kapayapaan, seguridad, kasaganaan, at pagkakaisa ng mga mamamayan sa rehiyon.
Dagdag pa ni Marcos, layon ng kanyang administrasyong itaguyod ang mas matibay na ugnayan at integrasyon ng ASEAN, kabilang ang pagtulong sa pagsasama ng Timor-Leste bilang pinakabagong kasapi ng samahan.
Ayon sa Malacañang, naglaan ang gobyerno ng P17.5 bilyon para sa mga gastusin sa pagho-host ng ASEAN meetings sa 2026, bukod pa sa P5.4 bilyon na inilaan na para sa paghahanda ngayong taon.
Ang chairmanship ng ASEAN ay umiikot taon-taon batay sa alpabeto ng mga kasaping bansa. Dapat sanang Myanmar ang mamumuno sa 2026, ngunit dahil sa sitwasyon ng junta sa bansa, napagkasunduan ng mga lider ng ASEAN na ang Pilipinas na ang mamuno isang taon nang mas maaga.
“ASEAN is our ship, and 2026 will be the year when we set full sail together toward our shared horizon,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.
