Sa gitna ng mga usap-usapan tungkol sa pagpapatalsik sa liderato, pansamantalang humawak ng gavel si Senador Loren Legarda nitong Miyerkules, Pebrero 4, na nagpatingkad sa espekulasyong siya ang magiging kauna-unahang babaeng Senate President.
Matapos ang mahigit isang oras na suspensyon ng sesyon, muling nagbukas ang plenaryo kung saan si Legarda ang tumayong presiding officer.
Kapansin-pansin ang masayang awra nina Senate President Tito Sotto at Senador JV Ejercito habang binabati ni Majority Leader Migz Zubiri si Legarda ng, “Thank you very much, Madame President.”
Nagsimulang uminit ang bulung-bulungan noong Lunes na nililigawan umano ng minority bloc si Legarda upang palitan si Sotto.
Ito ay sa gitna ng kontrobersyal na draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomenda ng kasong plunder laban kina Senador Chiz Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Kumalat ang balitang nakakuha na ng 13 boto ang minorya para kay Legarda, habang siyam na miyembro lamang ng majority bloc ang dumalo sa pulong na ipinatawag ni Sotto kaninang umaga. Gayunpaman, tila naapula ang “kudeta” matapos ang isang serye ng negosasyon.
Sa isang panayam ng DZBB, kinumpirma ni Senador Zubiri na nananatiling buo ang kanilang grupo. Nang tanungin tungkol kay Legarda, sinabi nito: “Maybe the future president of the Senate. We’ll see. We discussed, all’s well that ends well. Our group is solid more than ever.”
Tungkol naman sa isyu ng power-sharing, nagpahiwatig si Zubiri na posible itong mangyari sa hinaharap. “Lipat muna tayo sa bagong Senate building,” aniya.
Bago ang mainit na sesyon ngayong araw, inilarawan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na “malicious” at “sadistic” ang mga tsismis tungkol sa pagkaka-ugnay ni Legarda sa kudeta. Sinabi rin ni Sotto na una nang tinanggihan ni Legarda ang alok dahil “not interested” umano ito.
Ngunit nagbago ang ihip ng hangin matapos mag-post si Senador Kiko Pangilinan ng larawan ng majority bloc na may hashtag na #PowerSharing, na nagpapatunay na may naganap na kasunduan sa pagitan ng mga mambabatas upang mapanatili ang katatagan ng Senado.
