KALABOSO ang isang lalaki na akusado sa kaso ng panggagahasa matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na ang 21-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Navotas CPS.
Noong January 12, 2026 nang maglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 9FC, Navotas City para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas CPS hinggil sa kinaroroonan ng akusado, kaagad nilang ikinasa ang operation laban dito.
Hindi na nakapalag ang akusado nang kalawitin ng mga tauhan ni Col. Pinuela dakong alas-2:10 ng hapon sa Barangay Tangos North, Navotas City.
Ikinulong pansamantala ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang utos ng mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Sinabi ni Col. Pinuela, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa lungsod. (JUVY LUCERO)
