KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang bebot na wanted sa kaso ng Carnapping sa Lungsod ng Malabon nang malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Navotas City.
Sa ulat ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa Navotas ang 22-anyos na akusado.
Ang akusado ay kabilang umano sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Malabon City Police Station dahil sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Naglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 289, Malabon City, nitong January 27, 2026, para sa naturang kaso na walang inirekomendang piyansa.
Sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Navotas CPS ay matagumpay na naaresto ang akusado sa Barangay Tangos South, dakong alas-6:20 ng gabi.
Nakakulong ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (JUVY LUCERO)
