TIKLO ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Martes ng umaga.
Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas “Chong”, 52, ng Brgy., Malinta nang sunggaban ng mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police Station.
Ayon kay Lt. Dascil, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng iligal na droga sa kanilang lugar at sa kalapit na mga barangay sa lungsod.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa kanyang mga tauhan, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Chong’ sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-8:00 umaga nang makipagtransaksyon umano si ‘Chong’ sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 14-pirasong P500 boodle money, P300 cash at coin purse.
Ayon kay SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampang kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga. (JUVY LUCERO)
