Muling pinatawan ng 60-araw na suspensiyon na walang suweldo si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos pagbotohan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges.
Ang desisyong ito ay bunsod ng mga napatunayang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials at sa mga panuntunan ng Kamara, kung saan nakakuha ang mosyon ng 238 na pabor na boto mula sa mga mambabatas.
Ayon kay Rep. JC Abalos, ang chairperson ng komite, nagpakita si Barzaga ng “escalating misconduct” o lumalalang maling asal sa gitna mismo ng kanyang unang suspensiyon na nagsimula noong Disyembre 1. Kabilang sa mga mabibigat na basehan ng parusa ang mga social media posts ni Barzaga kung saan inakusahan niya ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) na tumanggap umano ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon Jr. para suportahan ang speakership ni dating Speaker Martin Romualdez.
Bukod dito, umani rin ng batikos ang pahayag ni Barzaga na “kalooban ng Diyos” ang pagkamatay ni dating Antipolo Rep. Romeo Acop upang matigil na umano ang korapsyon nito.
Binigyang-diin ng komite na ang mga aksyon ni Barzaga ay nagdudulot ng negatibong imahe sa dignidad at integridad ng institusyon. Kinondena rin ni Abalos ang tila tahasang kawalan ng respeto ng kinatawan ng Cavite sa awtoridad ng Kamara matapos nitong ihayag na mas pipiliin pa niyang mapatalsik sa serbisyo kaysa dumalo sa mga nakatakdang pagdinig para sa kanyang mga kaso.
Dahil dito, binigyan si Barzaga ng huling babala na ang susunod na pag-uulit ng katulad na gawi ay magreresulta sa mas mabigat na parusa, kabilang na ang tuluyang pagkakatanggal sa posisyon o expulsion.
Sa kasalukuyan, hindi lamang disiplina sa loob ng Kongreso ang kinakaharap ni Barzaga dahil may mga hiwalay na ring kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya sina Rep. Rolando Valeriano, Enrique Razon Jr., at NUP Chairperson Ronaldo Puno.
Ang mga reklamo ay nag-ugat sa serye ng mga mapanirang pahayag at paglalabas ng mga hindi nararapat na materyales sa social media, gaya ng mga malaswang larawan, na itinuturing na asal na hindi angkop para sa isang hinalal na opisyal ng bayan.
