May 16, 2024

Kelot na problemado sa relasyon sa ka-live-in, may arrest warrants, nagbigti, todas

MAKALIPAS ang dalawang araw na pagkaka-comatose sa pagamutan, binawian na ng buhay ang isang lalaking akusado sa pagnanakaw at problemado sa relasyon sa kanyang ka-live-in makaraang magbigti sa Navotas City.

Dakong alas-3:28 ng hapon nang ideklarang patay ng mga doktor sa Navotas City Hospital ang 29-anyos na biktima na naunang nadiskubre ng kanyang 20-anyos na live-in partner na nakabitin sa terrace ng kanilang tirahan sa Raja Matanda St. Brgy. Daang Hari dakong alas-8:30 ng gabi noong Biyernes.

Sa imbestigasyon ni Navotas homicide investigator P/Cpl. Florencio Nalus, alas-7 ng gabi noong Biyernes nang ipabatid ng biktima sa kanyang live-in partner na magpapahinga lamang siya sa terrace ng kanilang tirahan subalit nang hindi pa bumaba para maghapunan, pinuntahan ng ginang ang kinakasama at dito niya nakitang nakabitin ang kinakasama gamit ang lambat na duyan.

Humingi ng tulong sa kanyang mga kaanak ang ginang upang mapatid ang taling nakapulupot sa leeg ng biktima at kaagad nila itong isinugod sa naturang pagamutan kung saan dalawang araw siyang na-comatose bago tuluyang binawian ng buhay.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na may problema umano sa pakikipag-relasyon ang biktima sa kanyang live-in partner, batay na rin sa naging pahayag ng kanyang kaanak, bukod pa sa may nakabimbing mga kaso sa sala nina Metropolitan Trial Court (MTC) Judge Ma. Ofelia Salgado Contreras-Soriano ng Branch 55 at Judge Maya Joy Panaga Guiyab-Camposanto ng Branch 120 ng Malabon City sa salang pagnanakaw.