NADAKIP na ng pulisya ang isang puganteng nahaharap sa kasong panggagahasa sa kanilang lalawigan sa Bicol matapos matunton sa kanyang pinagtataguan sa Malabon City, Linggo ng gabi.
Sa ulat, kinasa ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang pagtugis kay alyas “Alarcon”, 42, tubong Ligao City Albay nang makarating sa kanila ang impormasyon na nagtatago sa kanilang lungsod ang pugante.
Bitbit ng mga tauhan ng Station Intelligence Section ng Malabon police ang warrant of arrest na inilabas noon pang Enero 12 , 2009 ng Ligao City Regional Trial Court (RTC) Branch 12 nang arestuhin nila si ‘Alarcon’.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang arrest warrant sa tinutuluyan niyang bahay sa Sitio 6, Dumpsite, Brgy. Catmon dakong alas-7:50 ng gabi para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Sa imbestigasyon ni P/SSg, Marko Alejo, sa tagal ng ginawang pagtatago ng akusado ay nakapaghanap na umano ito ng trabaho bilang helper at namirmihan ng manirahan sa Brgy. Catmon.
Pansamantala nakakulong ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon Police Station habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Ligao City Jail sa Albay.
