May 17, 2024

Kelot kulong sa panunutok ng baril at pagbabanta sa utol

SWAK sa selda ang isang lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaan ang kanyang sariling kapatid sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek bilang si Johnny Esgana, 33 ng No. 379 Old Fishport, Brgy. NBBN, Navotas City.

Sa inisyala imbestigasyon ng pulisya, unang nagising ang biktimang si Diosdado kung saan tiningnan niya ang kanyang cellphone at nagulat siya nang madiskubre na nawawala na ang pera niya sa loob ng case cover nito.

Tinanong ng biktima ang kanyang kapatid kung may nakita itong ibang tao na pumasok sa kanilang bahay subalit, bigla na lamang binunot ng suspek ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang saka itinutok sa dibdib ng kanyang kapatid.

Sa takot, tumakbo ang biktima sa Barangay NBBN kung saan naroon naka-duty ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt Gregorio Cueto na silang hiningian nito ng tulong.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek dakong alas-11:00 ng gabi at nakumpiska sa kanya ang isang cal. 45 na may dalawang magazine at sampung pirasong bala.

Nahaharap ang suspek sa kasong Grave Threat at paglabag sa of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act). (