Nagbabala ang Bell-Kenz Pharma na tumataas ang kaso ng heart attack at stroke tuwing holiday season, partikular sa mga buwan ng Disyembre at Enero, dahil sa kombinasyon ng sobrang pagkain, stress, alak, at kapabayaan sa maintenance medications.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi Bell-Kenz Pharma Director Dr. James Cayetano na taun-taon ay may naitatala ang mga ospital at emergency rooms ng biglaang pagdami ng mga pasyenteng inaatake sa puso at stroke tuwing Kapaskuhan.
“Pinagsama-sama mo ang matatabang pagkain, stress sa paghahanda ng Pasko, puyat, alak, at hindi pag-inom ng maintenance meds—hindi po ‘yan magandang kombinasyon,” ani Cayetano.
Ipinaliwanag ng doktor na bukod sa tradisyunal na lechon, liempo, at matatabang handa, malaking salik din ang stress sa gastusin at paghahanda para sa pamilya, pati na ang labis na pag-inom ng alak sa sunod-sunod na Christmas parties.
Dagdag pa rito, marami umanong pasyente ang humihinto sa pag-inom ng maintenance medications para sa altapresyon at diabetes tuwing bakasyon, na lubhang mapanganib.
“Ang high blood at diabetes ay hindi gumagaling. Maintenance po ‘yan—hanggang sa huli,” diin ng mga doktor.
Kasabay nito, binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng hands-only CPR, lalo’t ayon sa datos, 8 sa bawat 10 cardiac arrest ay nangyayari sa bahay o komunidad, hindi sa ospital.
Sa hands-only CPR ay walang mouth-to-mouth, compression lang sa dibdib. Itoý ginagawa lamang kapag walang malay, walang hininga at walang pulso ang pasyente. Dapat munang tiyakin ang kaligtasan ng lugar bago tumulong. Agad tumawag ng emergency hotline tulad ng 911, Red Cross, o barangay rescue
Inirekomenda rin ang paggamit ng mga awit tulad ng “Staying Alive” o “Kapag Tumibok ang Puso” bilang gabay sa tamang ritmo ng chest compressions.
Nanawagan ang mga cardiologist ng mas malawak na CPR education, alinsunod sa RA 10871, upang maging handa ang bawat pamilyang Pilipino sa oras ng emergency.
“Mas mataas ang tsansa na mabuhay ang pasyente kung may marunong mag-CPR sa bahay bago pa siya makarating sa ospital,” ayon sa mga doktor.
Paalala ngayong Pasko ni Dr. Cayetano sa publiko na kumain nang katamtaman (sundin ang Pinggang Pinoy), iwasan ang labis na alak, huwag kalimutan ang maintenance meds, maglaan ng oras sa ehersisyo at alamin ang senyales ng stroke at heart attack.
“Mas masaya ang Pasko kung buhay at ligtas ang buong pamilya,” pagtatapos niya. (Mina Paderna)
