May 18, 2024

INA NANGANAK SA TRICYCLE; BABY NAHULOG, PATAY (Habang papunta sa hospital)

KAAWA-AWA ang sinapit ng isang bagong panganak na sanggol matapos mahulog mula sa isang tricycle na sinasakyan ng kanyang ina makaraan itong manganak habang papunta sa hospital sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Batay sa report nina PSSg Baltazar Gallangi at PSSg Maria Theresa Dagman kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa Tinajeros Bridge sa kahabaan ng M.H Del Pilar Street, Brgy. Tinajeros.

Sa ulat, sakay sa isang tricycle na minamaneho ni Wilfredo Soriano, 58 ng Blk 43 A, Lot 29, Phase 3 E2, Brgy. Longos ang 39-anyos na house wife na manganganak na para dalhin siya sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital.

Pagsapit sa nasabing lugar, hindi na napigilan ng ginang ang kanyang sarili at nanganak ito ng isang sanggol na babae subalit, sa kasamaang palad ay nahulog umano ang baby mula sa tricycle dahil sa maliit na butas nito sa sahig.

Kaagad rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 saka humingi ng tulong sa Malabon Rescue team subalit, wala ng buhay ang  sanggol. Dinala ang bangkay ng sanggol sa PNP Forensic Unit para sa autopsy examination habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.