Isang bagong yugto ang haharapin ni Hidilyn Diaz-Naranjo, ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas, matapos niyang ianunsiyo ang plano niyang magturo sa University of the Philippines – College of Human Kinetics (UP CHK).
Sa isang post sa social media, ibinahagi ni Diaz na nakipagpulong na siya sa College Executive Board ng unibersidad bilang paghahanda sa kanyang magiging tungkulin bilang lecturer.
“It’s a new path, a level-up opportunity to become a lecturer at UP CHK!” ani Diaz.
“When they asked, ‘Why teach?’ I said, ‘Because I want to keep learning, and I hope my students will learn from me too,’” dagdag pa niya.
Ayon kay Diaz, isa sa kanyang mga pangarap ang makabuo ng curriculum na magtataguyod ng weightlifting sa bansa.
“I love weightlifting, and I’ll keep doing my best to grow and share the sport I love. Can’t wait to meet my future students and co-faculty members,” aniya.
Batay sa kanyang post, magsisimula si Diaz sa kanyang teaching engagement sa Enero 2026.
Patuloy pa ring aktibo si Hidilyn sa larangan ng weightlifting kasama ang kanyang asawa at coach na si Julius Naranjo sa pamamagitan ng HD Weightlifting Academy, isang non-profit grassroots at elite training center para sa mga batang lifters.
Matatandaang si Diaz ang nagbigay ng kauna-unahang gintong medalya sa Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics, matapos niyang makuha rin ang pilak sa 2016 Rio Games.
Mula sa entablado ng mga laban patungo sa silid-aralan, patuloy ang laban ni Hidilyn — ngayon naman, para buhatin ang susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino. (RON TOLENTINO)
