RODRIGUEZ, RIZAL — Nabalot ng dugo ang umaga sa Proper 3, Brgy. Mascap nitong Miyerkules, July 23, matapos mapatay ng isang lalaki ang sarili nitong misis sa gitna ng mainit na pagtatalo na nagsimula umano sa isang post sa Facebook.
Kinilala ang biktima na si Mary Ann Manzanillo y De Guzman, 34 anyos, isang guro. Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Mateo MPS, dakong alas-7:10 ng umaga nang maganap ang karumal-dumal na krimen.
Sa gitna ng sigawan, ibinuhos umano ni alyas Herson, 37 anyos, isang barbero, ang mainit na kape sa mukha ng kanyang misis bago ito paulit-ulit na sinaksak ng patalim.
Matapos ang pananaksak, tumakas si Herson patungong Brgy. San Isidro habang isinugod ang biktima sa San Mateo Medical Center. Sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor, idineklarang patay si Mary Ann habang ginagamot.
Bandang 12:40 ng tanghali, sa tulong ng mga kamag-anak, kusa umanong sumuko si Herson sa mga awtoridad.
Dumaan muna siya sa Casimiro Ynares Memorial Hospital para sa medical examination bago dinala sa Rodriguez Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Pinaniniwalaang selos ang puno’t dulo ng trahedya, na lalong sumiklab dahil sa isang post sa social media.
