Nanawagan si Cebu 5th District Representative Duke Frasco kay Governor Pamela Baricuatro na isantabi ang pamumulitika at agad magpadala ng tulong sa mga lugar na binaha sa lalawigan, partikular sa Liloan, na umano’y hindi pa nakatatanggap ng anumang ayuda mula sa Kapitolyo.
Sa isang pahayag na ipinost ni Frasco sa kanyang Facebook page nitong Linggo, Nobyembre 9, 2025, hinimok niya si Baricuatro na unahin ang serbisyo kaysa politika.
“Undangon ang pamolitika ug sugdan ang pagdumala (Itigil ang pamumulitika at simulan ang pamumuno),” ani Frasco, na binigyang-diin na ang kailangan ng mga residente ngayon ay heavy equipment, hindi political attacks.
“This is the time for us Cebuanos to come together and help one another. Gov, we don’t need your cameras or your social media teams’ attacks. What we need are your excavators, payloaders, bulldozers, and backhoes to help us on the ground. We need your help. Asa naman mo?” dagdag pa niya.
Ibinunyag din ni Frasco na mula pa noong Nobyembre 5, nagsagawa na ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga local government units (LGUs), at maging ang pribadong sektor, subalit wala pa umanong tulong na ibinibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu sa bayan ng Liloan.
“Liloan urgently needs help. Despite our political differences, Liloan is still part of Cebu and the Liloanons are Cebuanos, too. Tabangi ang Liloan, Gov, ayaw daug-dauga tungod lang sa politika kay ang tawo ang mag-antos,” dagdag pa ng kongresista.
Nagpapatuloy ang panawagan ni Frasco habang libo-libong residente ng Liloan ang patuloy pang bumabangon mula sa pinsalang dulot ng malakas na pagbaha noong nakaraang linggo.
