Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong bansa na magpatupad ng mas matatapang na ordinansa upang limitahan ang pagbebenta at paggamit ng mga produkto ng tabako at vape.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng DOH na aktibo silang nakikipag-ugnayan sa mga LGU upang isulong ang mga lokal na batas na susugpo sa paninigarilyo at vaping, partikular na ang ilegal na pagbebenta ng sigarilyo at mga electronic nicotine delivery systems o e-cigarettes.
Ayon sa kagawaran, kailangan ang mas malakas na lokal na regulasyon upang protektahan ang kalusugan ng publiko at mapigilan ang mabilis na pagdami ng mga gumagamit ng vape at tabako, lalo na sa hanay ng mga kabataan.
Ilang konsehal mula sa iba’t ibang lungsod ang nagpahayag na ng suporta sa hakbang na ito. Binigyang-diin nila na ang mahigpit na pagpapatupad sa antas ng barangay at lungsod ang susi upang maging epektibo ang kampanya laban sa bisyo.
Bahagi ito ng mas malawak na public health campaign ng DOH na naglalayong bawasan ang mga sakit na nakukuha sa paggamit ng tabako. Iginiit ng kagawaran na ang “stronger collaboration” sa pagitan ng mga pambansang ahensya at mga LGU ay krusyal upang mabawasan ang health risks sa bansa.
Inaasahan na sa mga susunod na buwan, mas maraming lungsod at munisipalidad ang maglalabas ng kani-kanilang binagong “smoke-free” at “vape-free” ordinances bilang tugon sa panawagang ito ng kagawaran ng kalusugan.
