Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga mag-aaral na pangunahan ang pagbuo ng mga solusyong teknolohikal para sa mga lokal at pandaigdigang hamon sa pormal na pagbubukas ng 2026 National Science and Technology Fair (NSTF) ngayong Miyerkules.
Sa ilalim ng temang “Harnessing the Unknown: Powering the Future Through Science and Innovation,” ang taunang kompetisyong ito na inorganisa ng DepEd ang nagsisilbing pangunahing plataporma para sa mga mag-aaral sa high school na maipamalas ang kanilang mga makabagong pananaliksik at imbensyon sa science, technology, engineering and mathematics (STEM).
Binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng papel ng mga kabataang scientists sa paglikha ng mga praktikal na solusyon sa mga kritikal na sektor, kabilang ang sustainable energy, produksyon ng pagkain at nutrisyon, at disaster resilience na ginagamitan ng teknolohiya.
Bilang patunay sa world-class na talento ng kabataang Pilipino, binanggit ni Angara ang kamakailang internasyunal na pagkilala sa mga mag-aaral mula sa Patin-ay National High School sa Agusan del Sur para sa kanilang pananaliksik tungkol sa mga halamang gamot.
“In line with the vision of President Bongbong Marcos to leverage science and technology for a better quality of life, we urge our learners to pioneer solutions that address our most critical national challenges,” pahayag ni Angara.
“By mastering rapidly evolving technologies today, the Filipino youth serve as the primary architects of a more innovative and resilient Bagong Pilipinas.”
Ang NSTF ay nagsisilbi ring opisyal na qualifying round para sa prestihiyosong International Science and Engineering Fair (ISEF), ang pinakamalaking pre-college science competition sa buong mundo.
Mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang mga kalahok sa NSTF ay sumasabak sa mga kumpetisyon at aktibidad, kabilang ang Tuklas research competition na nagpapakita ng mga proyekto sa Life Science, Physical Science, Robotics and Intelligent Machines, at Mathematics and Computational Science.
Sa STEM Innovation Expo competition, tampok ang mga market-ready solusyon sa mga isyu tulad ng seguridad sa pagkain, konserbasyon ng tubig, renewable energy, cybersecurity, at kalusugan.
Kabilang din ang STEM Academy conference at ang Agham Bayanihan na community exhibit kung saan ipinapakita ng mga partner institution ang kanilang mga makabagong teknolohiya at serbisyo sa publiko.
