HINDI naging hadlang ang naranasang kalamidad dahil ang ilang paaralan na ginamit bilang evacuation center ay ipinagpatuloy ang pag aaral ng mga estudyante.
Nais kasi ni Education Secretary Sonny Angara na mapanatili ang pagkatuto ng mga mag aaral kahit pa may kalamidad alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Sa katunayan, sa San Joaquin at Rosario Elementary School sa Pasig na nagsilbing evacuation center, nagpatuloy ang mga guro at volunteers sa pagbibigay ng basic learning sessions at kasama ang psychological first aid sa mga batang pansamantalang naninirahan sa mga silid aralan.
Binisita ni Education Secretary Sonny Angara ang ilang binahang paaralan sa Malabon at Navotas ngayong linggo, at binigyang-diin ang kahalagahan ng agarang pagtugon at paghahanda ng alternatibong paraan ng pag-aaral kapag apektado ang mga paaralan.
“May mga paaralan ang nakapagpatupad ng emergency protocols at may mga guro tayong agad nagpakita ng malasakit at dedikasyon. Pero hindi rin natin maikakaila na may mga lugar na hirap makabangon agad. Kailangan pa nating pag-ibayuhin ang suporta sa kanila, lalo na sa pagbibigay ng learning materials, psychosocial aid, at pansamantalang espasyo para sa pag-aaral,” ani Angara.
As of 5:00 p.m. noong July 24, nasa 24,649 na paaralan sa buong bansa ang nagsuspinde ng in-person classes dahil sa malawakang pagbaha at masamang panahon. Sa bilang na ito, 442 ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers sa mga rehiyong NCR, I, II, III, IV-A, IV-B, VI, IX, CAR, at NIR.
Sa ilang apektadong lugar, nagsimula nang magpatupad ang Schools Division Offices (SDOs) ng Structured Alternative Learning Delivery Modes tulad ng modular at guided group learning para matiyak na tuloy pa rin ang edukasyon ng mga batang lumikas.
Binigyang-diin ni Sec. Angara na bukod sa kaligtasan ng mga bata, mahalaga rin na may structured learning sa mga evacuation center para makatulong sa kanilang recovery.
“Alam nating hindi madaling mag-aral habang lumikas o apektado ng baha, pero mahalaga pa ring may ginagawa ang mga bata. Kahit simpleng aktibidad, malaking tulong ito sa kanilang pagbangon,” dagdag pa ni Angara, na pinasalamatan din ang mga guro at volunteers na tumutulong sa gitna ng sakuna.
Ayon sa ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), may 2,492 silid-aralan ang may minor damage, 726 ang may major damage, 732 ang totally damaged, at 327 ang nasirang WASH (Water, Sanitation, and Hygiene) facilities.
Bilang tugon, naglabas ang DepEd ng mahigit P17 milyon na pondo—P6.98 milyon para sa agarang paglilinis at clearing operations, at P10.04 milyon para sa minor repairs ng mga silid-aralan.
Inatasan na rin ang mga field offices na i-activate ang kanilang contingency plans, tiyaking ligtas ang mga importanteng kagamitan at records ng paaralan, at makipag-ugnayan nang malapitan sa mga local disaster response councils.
Tiniyak ng DepEd na patuloy ang kanilang pagbabantay at pagtugon upang mapangalagaan ang kapakanan at edukasyon ng mga mag-aaral, lalo na sa panahong mas kailangan nila ito.
