Nahaharap ngayon sa posibleng pagkaka-bawi ng lisensya ang dalawang motorista matapos mag-viral ang kanilang marahas na sapukan sa gitna ng kalsada sa Cainta, Rizal nitong Linggo ng hapon.
Base sa ulat, nagsimula ang tensyon sa bahagi ng Cainta Junction bandang alas-3 ng hapon nang businahan ng isang driver ang isa pa dahil sa tangkang pag-overtake o “pag-cut” sa linya nito.
Bagaman sinubukang umiwas ng isang sasakyan, huminto ito sa isang gasolinahan na sinundan naman ng kabilang panig, kung saan tuluyang sumiklab ang kaguluhan.
Sa kumalat na video, makikita ang isang lalaking hubad-baro na may dalang baseball bat habang kinakaharap ang isang lalaking naka-puting t-shirt. Gayunpaman, naagaw ang bat at nauwi ito sa palitan ng mga suntok hanggang sa bumagsak sa kalsada ang shirtless na lalaki nang dalawang ulit.
Dahil sa insidente, agad na nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa dalawa. Bukod sa paglikha ng matinding trapiko, nabatid din sa imbestigasyon na expired na ang rehistro ng isa sa mga sasakyang sangkot.
Pansamantalang sinuspinde ng LTO ang mga lisensya ng dalawang driver sa loob ng 90 araw. Inatasan din silang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa darating na Pebrero 5, ala-1 ng hapon, upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanilang pribilehiyo sa pagmamaneho.
“Hindi tatanggapin ng LTO ang anumang pag-uugali na nagdudulot ng panganib sa ibang mga motorista o hindi pinapahalagahan ang mga regulasyon sa transportasyon,” mariing pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Bagaman nagpasya ang magkabilang panig na mag-areglo na lamang at huwag nang magsampa ng kasong kriminal sa pulisya, tuloy pa rin ang administratibong kaso ng LTO.
Kabilang sa mga posibleng violations na kakaharapin nila ay obstruction of traffic, reckless driving, failure to comply with compulsory motor vehicle registration at pagiging “improper person to operate a motor vehicle”
Naka-alarma na rin ang kanilang mga sasakyan sa LTO system upang mapigilan ang anumang transaksyon habang gumugulong ang imbestigasyon.
Babala ng ahensya, ang hindi pagsipot sa itinakdang hearing ay ituturing na pagbalewala sa kanilang karapatang magpaliwanag, at reresolbahin ang kaso base sa mga ebidensyang hawak na ng opisina.
