Matapos ang maagang pagkaka-atras sa Philippine Cup playoffs, hindi na nag-aksaya ng panahon ang NLEX Road Warriors at agad na kinuha ang serbisyo ng Haitian center na si Cady Lalanne para sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Kinumpirma ni NLEX Team Manager Virgil Villavicencio na dumating na sa bansa nitong Linggo ang 6-foot-10 big man mula sa Port-au-Prince, Haiti. Ang maagang pagdating ni Lalanne ay bahagi ng layunin ng koponan na magkaroon ng sapat na oras para sa chemistry bago magsimula ang mid-season conference.
Ang 33-anyos na si Lalanne ay produkto ng University of Massachusetts at naging second-round pick ng San Antonio Spurs noong 2015 NBA Draft. Bagama’t hindi nakapaglaro sa NBA, baon ni Lalanne ang malawak na karanasan sa paglalaro sa iba’t ibang prestihiyosong liga sa labas ng Estados Unidos.
Ang NLEX ang ikalawang koponan sa PBA na nag-anunsyo ng kanilang import para sa susunod na kumperensya, kasunod ng Phoenix Fuel Masters na kinuha naman si James Dickey II.
Inaasahang magbibigay ng matinding depensa at rim protection si Lalanne para sa Road Warriors, na nagnanais na makabawi at makapasok nang mas malalim sa darating na kampanya sa ilalim ng gabay ng kanilang coaching staff. (Ron Tolentino)
