Ipinag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga food establishment kasabay ng banta ng mabigat na parusa laban sa isang local buffet restaurant.
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang isang video kung saan makikita isang patay na daga sa loob ng mangkok ng sinigang ng isang customer.
Ayon kay Magalong, kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente na naganap sa isang buffet restaurant sa Jungletown. Humingi rin ng paumanhin ang alkalde sa mga apektadong customer sa ngalan ng pamahalaang lungsod.
BASAHIN: PhilHealth, sumagot sa viral post ng namatayan ng asawa na ‘na-zero’ sa benepisyo
Binigyang-diin niya na hindi palalampasin ng lokal na pamahalaan ang naturang paglabag sa kalinisan at kalusugan.
“Kailangan talaga nating patawan ng parusa ang restaurant na iyon. Pagkatapos ng imbestigasyon, magkakaroon ng kasuhan, at ang may-ari ng establisyimentong iyon ay haharap sa parusa o multa,” pahayag ni Magalong.
Ikinabahala rin ng alkalde ang mga ulat na muling nagbukas ang naturang restaurant nitong nakaraang katapusan ng linggo matapos lamang magsagawa ng general cleaning.
Aniya, hindi ito sapat at hindi sila maaaring mag-operate nang walang pahintulot.
“Hindi sila pwedeng magbukas na lang nang basta-basta. Kailangan itong inspeksyunin muli,” giit ni Magalong. “Kailangan talaga nilang kumuha ng sertipikasyon na nagpapatunay na malinis na ang establisyimento.”
Dahil sa insidente, naglunsad ang lungsod ng mas malawak na sanitation drive. Plano ng mga awtoridad na magsagawa ng mga targeted inspection sa Jungletown at iba pang sikat na food hubs sa lungsod.
Bagamat regular ang inspeksyon ng sanitation team ng lungsod, inamin ni Magalong na isang hamon ang pagbabantay sa bawat kainan kaya naman mas hihigpitan pa ang pagpapatupad ng batas. Binanggit din niya ang mga kamakailang isyu sa sanidad na natuklasan sa mga food stall sa Suello Village na sumasailalim na rin ngayon sa mas mahigpit na patakaran.
Bukod sa kusina at mga lugar kung saan inihahanda ang pagkain, sakop din ng pamantayan ng lungsod ang mga palikuran ng mga restaurant.
“Dapat hindi basa ang mga restroom. Kasabay nito, dapat may sabon, at dapat may napkin o tissue paper. Mahigpit nating ipinapatupad ito,” dagdag ng alkalde.
Kasabay nito, nagbabala rin si Magalong sa lumalalang problema ng mga daga sa Baguio City Public Market na isinisisi niya sa kapabayaan at kawalan ng kusa ng ilang vendor.
“Dumarami na naman ang mga daga. Minsan ang mga tindero doon ay walang pakialam; hindi sila kikilos hangga’t hindi sinasabihan. Kailangan nating ipagpatuloy ang ating mga pagsisikap doon,” ani Magalong.
Sa huli, nakiusap ang alkalde sa mga may-ari ng negosyo at sa publiko na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kalinisan. Idiniin niya na ang kaligtasan sa pagkain ay responsibilidad ng lahat.
“Sana ay magsilbi itong leksyon sa lahat ng iba pang establisyimento na naghahanda ng pagkain: ang kalinisan ay talagang kinakailangan,” pagtatapos ni Magalong.
