Photo credit: Maria Lourdes Sulit
Isinasagawa na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang isang masusing pagrepaso matapos maging viral sa social media ang hinaing ng isang babaeng namatayan ng asawa.
Ayon sa sumbong, ipinagkait umano sa kanyang yumaong asawa ang nararapat na insurance benefits dahil hindi ito umabot ng 24 oras sa ospital bago pumanaw.
Sa isang opisyal na pahayag, kinumpirma ng PhilHealth na nakarating sa kanilang kaalaman ang kumakalat na post hinggil sa miyembrong namatay habang inililipat at sinusuri sa isang ospital, bagama’t hindi na pinangalanan ng ahensya ang pasyente.
“Kami ay taos-pusong nakikiramay sa pamilyang naulila,” saad ng PhilHealth. “Nang malaman namin ang insidente, agad kaming kumilos upang unawain at tugunan ang sitwasyon. Nakipag-ugnayan na kami sa asawa ng miyembro at nagkasundo sa mga susunod na hakbang habang tinitingnan ang lahat ng posibleng tulong.”
Idinagdag din ng ahensya na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kasangkot na ospital upang malaman ang buong detalye ng pangyayari.
Nag-ugat ang isyu sa Facebook post noong Hunyo 12 ni Maria Lourdes Sulit. Ibinahagi niya na ang kanyang asawa na si Marvin ay pumanaw noong Hunyo 4 dahil sa brain hematoma.
Ayon kay Sulit, dinala si Marvin sa Manila Doctors Hospital noong Hunyo 3, bandang 5:59 a.m. Dahil sa napakalaging gastusin na aabot sa P4 milyon para sa operasyon, pinayuhan sila ng neurosurgeon na ilipat ang pasyente sa UERM Medical Center upang mabawasan ng halos kalahati ang gastos. Gayunpaman, bago maipasok sa UERM, hiningan sila ng P1 milyong deposito na hindi nila agad nailabas, kaya’t binalik ang pasyente. Pumanaw si Marvin noong Hunyo 4 sa ganap na 12:29 a.m.
Nang inaayos na ni Sulit ang naiwang bill na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P200,000, doon na siya nagulat sa naging tugon ukol sa kanilang insurance.
“I then went to PhilHealth hoping to receive assistance and reduce the burden of the bill. To my shock, I was told that my husband was not eligible for PhilHealth benefits because he had been hospitalized for less than 24 hours,” post ni Sulit. “My husband had just died. How could he not be eligible?”
“I was only asking for the benefits that my husband spent more than 25 years contributing to. He was a lifelong member. He paid faithfully throughout his working years,” pagpapatuloy niya.
BASAHIN: REP. FERNANDO: ‘ES RECTO NABUBUHAY SA IBANG PLANETA’
Dinaing din ng balo ang tila kawalan ng pakikiramay ng kinatawan ng PhilHealth na diretso lang umanong nagpaliwanag tungkol sa mga polisiya at bayarin sa halip na magbigay ng kahit kaunting pakikiramay sa nagdadalamhating pamilya.
Sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 31 s.2010, may mahigpit na panuntunan ang ahensya na kailangang umabot sa minimum na 24 oras ang confinement ng isang pasyente para maging kwalipikado sa inpatient benefits.
Gayunpaman, malinaw na nakasaad sa parehong polisiya na may mga exception kung saan sakop pa rin ng PhilHealth ang confinement na mas mababa sa 24 oras. Kabilang dito ang mga kasong itinuturing na emergency, mga pasyenteng inilipat sa ibang pasilidad (transferred), at maging ang mga pasyenteng pumanaw (expired) habang ginagamot.
Tiniyak ng PhilHealth na layunin ng kanilang kasalukuyang pakikipag-ugnayan sa mga ospital na mapabuti pa ang kanilang serbisyo at panindigan na ang ahensya ay “palaging kaagapay ng mga miyembro, lalo na sa oras ng pangangailangan.” (Limuel Tolentino)
