Mariing binatikos ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando si Executive Secretary Ralph Recto dahil sa mga naging pahayag nito kamakailan tungkol sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa grupo, tila hindi alam ng opisyal ang tunay na hirap na dinaranas ng mga ordinaryong manggagawa.
Sa isang Facebook post, kinuwestiyon nito ang pahayag ni Recto na ang bansa ay malapit na sa “upper middle-income status.”
“Si Ralph Recto nabubuhay sa ibang planeta… Sabi ho niya, ang bansa daw patungo na ng upper middle income status. Ano ibig sabihin nun? ‘Yung bawat isang Pilipino daw ho kaya nang kumita ng 260,000 pesos kada taon,” ayon kay Fernando.
Binigyang-diin din niya na ang halagang ito ay katumbas ng 20,000 hanggang 22,000 pesos kada buwan—isang sahod na anila ay hindi nararamdaman ng karamihan.
“Ibig sabihin si Ralph Recto nabubuhay sa ibang planeta. Baka nasa kweba,” dagdag pa niya.
Tinukoy rin niya ang paghahambing ni Recto sa halagang $26 (o kulang-kulang 1,500 pesos) na kailangan na lang para maabot ang nasabing economic status sa presyo ng limang kape sa Starbucks.
Ayon sa partylist, insulto ito sa mga manggagawang ni hindi makabili ng ganitong kape.
“Sino nagkakape sa Starbucks dito? Wala. Wala ho nagkakape sa Starbucks kasi walang pambili. Eh hindi alam ni Ralph Recto ‘yun. ‘Di ba hindi niya alam ‘yun kasi hindi siya ordinaryo eh.”
Nagbabala rin ang grupo sa nakaambang pagtaas ng presyo ng langis na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Iginiit nila na hindi sapat ang dahilan ng gobyerno na kailangang intindihin ang mga negosyo bago magtaas ng sahod.
“Hindi tayo papayag na habang buhay na lang para tayong pinalilimos. Para tayong nagmamakaawa… Dapat ang mag-adjust ‘yung mga nakaupo sa iba’t ibang posisyon ng kapangyarihan.”
