Isang bagong pag-aaral ang nagmumungkahi na ang pagtataas ng buwis sa sigarilyo at pagpapalawak ng mga graphic health warning sa mga pakete nito ay maaaring magtulak sa milyun-milyong Pilipino na itigil ang paninigarilyo.
Batay sa pananaliksik na inilathala sa journal na Tobacco Induced Diseases, ang pagtataas ng excise tax sa P90 bawat pakete—na katumbas ng 23% na dagdag mula sa kasalukuyang P69.46—ay posibleng makahimok sa humigit-kumulang 5.5 milyong smokers sa bansa na seryosong isaalang-alang ang paghinto sa bisyo.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga eksperto mula sa Institute for Global Tobacco Control ng Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health.
Ayon kay Lauren Czaplicki, ang lead author ng pag-aaral, ang presyo at hitsura ng produkto ay may malaking impluwensya sa desisyon ng mga mamimili.
Binigyang-diin niya na ang pagtataas ng buwis at paggawa sa mga graphic warning na malaki, bold, at mahirap balewalain ay nagpapataas ng tsansa na tuluyan nang tumigil ang isang tao sa paninigarilyo.
Bukod sa usapin ng presyo, natuklasan din sa pag-aaral na ang pagpapalawak ng health warning labels sa 85% ng pakete, mula sa kasalukuyang 50% sa ilalim ng Republic Act No. 10643, ay magpapababa sa apela ng mga sigarilyo.
Ang hakbang na ito ay naaayon sa mga rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) at ng Framework Convention on Tobacco Control na niratipikahan ng Pilipinas noong 2005 bilang epektibong estratehiya sa pagbabawas ng tobacco consumption.
Sa kabila ng pagbaba ng smoking prevalence sa bansa mula 27% noong 2009 tungo sa 17.4% noong 2021, nananatiling hamon sa pampublikong kalusugan ang paninigarilyo dahil sa mahigit 13 milyong Pilipino pa rin ang gumagamit nito.
Ayon sa pananaliksik, ang paggamit ng tabako ay nagdudulot ng halos 100,000 na maiiwasan sanang kamatayan sa Pilipinas bawat taon.
Ayon kay Dr. Ulysses Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA), ipinapakita ng sarbey na mismong ang mga naninigarilyo ang kumikilala sa epekto ng mas mahigpit na mga polisiya.
Dagdag pa ni Filomeno Sta. Ana III ng Action for Economic Reforms, dapat mabatid ng gobyerno ang mga ebidensyang ito upang mas mapalakas pa ang mga hakbang laban sa paninigarilyo sa bansa, lalo na’t ang pag-aaral ay kinabibilangan ng mga respondents mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao na napatunayang mas mahihikayat silang huminto kung magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa presyo at disenyo ng pakete. (LIMUEL TOLENTINO)
