Mariing inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang mga ordinaryong manggagawa sa middle class at hindi ang mga mayayaman ang tunay na pinipinsala ng ilegal na droga sa bansa.
Sa isang press conference para sa pagkumpiska ng halos 910 kilo ng shabu sa Occidental Mindoro, binigyang-diin ng Kalihim na ang mga nagtatrabaho sa factory at transportasyon ang madalas na nagiging biktima at konsyumer nito.
“Ang mayayaman hindi nagsashabu eh. If the Philippines is 60% middle class, sila ang number one consumer nito at sila ang number one biktima,” ayon kay Remulla, habang ipinapaliwanag ang kahalagahan ng pagputol sa supply ng droga upang maprotektahan ang mga manggagawa.
Dahil sa pinaigting na “Whole-of-Nation Approach” sa pagitan ng Philippine National Police, PDEA , Philippine Army, at Philippine Coast Guard, umakyat na sa halos P7,000 kada gramo ang presyo ng shabu mula sa P3,800 noong 2022.
Ayon sa Kalihim, ang pagtaas ng presyo dahil sa matagumpay na interdiction ay direktang nagresulta sa pagbaba ng crime rate sa Pilipinas.
“Nakikita niyo rito na ang whole of nation approach is effective. Umakyat ang presyo ng droga dahil sa interdiction, bumaba ang crime rate ng Pilipinas at nararamdaman na iyan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din niya na ang kampanyang ito ay nakatuon sa paghuli sa mga “big fish” o malalaking sindikato sa halip na mga street-level pusher o mga pedicab driver lamang.
Ipinagmalaki rin ng DILG chief na ang kasalukuyang administrasyon ay nagtatagumpay sa laban sa droga nang hindi gumagamit ng dahas o extrajudicial killings.
“We managed to wage this campaign against drugs without killing anyone. Hindi tayo pumapatay ng tao pero nare-resolba natin unti-unti ang problema,” pahayag ni Remulla.
Sa halip na dahas, gagamit ang gobyerno ng mga makabagong teknolohiya tulad ng long-range drones at satellites upang mas mahigpit na mabantayan ang mga coastline ng bansa laban sa mga dayuhang sindikato na nagpapasok ng ilegal na kargamento sa Pilipinas.
