ISANG panukalang batas na naglalayong magpatupad ng awtomatikong mekanismo upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa matinding pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang inihain ni 2nd District Caloocan City Representative Edgar “Egay” Erice.
Sa ilalim ng House Bill No. 8494 o ang Strategic Automatic Government Intervention for Petroleum Price Stabilization (SAGIP PRESYO) Act, magkakaroon ng malinaw at awtomatikong hakbang ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga motorista, manggagawa, negosyo, at sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Rep. Erice, mahalagang magkaroon ng agarang tugon ang pamahalaan tuwing may krisis sa presyo ng langis upang hindi na lalong mabigatan ang mga mamamayan sa tumataas na gastos sa transportasyon at bilihin.
“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay direktang nararamdaman ng bawat Pilipino. Kapag mahal ang krudo, tumataas ang pamasahe, transport cost, at presyo ng pagkain. Layunin ng SAGIP PRESYO Act na magkaroon ng malinaw at awtomatikong proteksyon ang mamamayan laban sa ganitong mga sitwasyon,” ani Erice.
Sa panukalang batas na ito, ipatutupad ang mga sumusunod na awtomatikong hakbang kapag umabot sa itinakdang antas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado:
Kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng krudo, awtomatikong suspendido ang excise tax sa petrolyo upang mapababa ang presyo ng gasolina at diesel.
Kapag umabot sa $100 per barrel, suspendido rin ang Value Added Tax (VAT) sa petrolyo upang higit pang mapagaan ang pasanin ng mga mamimili.
Kapag umabot sa $140 per barrel, magbibigay ang pamahalaan ng 10% subsidy sa retail pump price ng petrolyo na direktang mararamdaman ng publiko sa mga gasolinahan.
Sinabi pa ni Erice na mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong mekanismo upang maiwasan ang matinding epekto ng oil price shocks sa ekonomiya ng bansa.
“Hindi dapat laging ang mamamayan ang unang sumasalo ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Kailangang may malinaw na sistema kung kailan at paano kikilos ang gobyerno upang protektahan ang publiko,” dagdag pa ng mambabatas.
Inaasahan na sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay makatutulong sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin na kadalasang naaapektuhan kapag tumataas ang presyo ng petrolyo. (JUVY LUCERO)
