Nagbabala si DPWH Secretary Vince Dizon na hindi na palulusutin ang mga lumang kalakaran sa pagbabayad ng mga proyekto sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa Kapihan ng Samahang Plaridel forum, binigyang-diin ng kalihim na ipinatutupad na ngayon ang mas mahigpit na “payment by physical accomplishment” rule para sa lahat ng mga kontratistang may katuwang na proyekto sa gobyerno.
Ayon kay Dizon, ang hakbang na ito ay tugon sa mga nakaraang isyu kung saan may mga kontratista na nababayaran nang buo kahit hindi pa tapos ang trabaho o hindi sumusunod sa tamang specifications.
Binanggit niya ang mga naging problema sa mga proyekto sa Bulacan bilang halimbawa ng mga maling sistema na nais niyang tuldukan.
“Kailangan sabay. Kapag on-time ang kontratista at tama ang gawa, dapat on-time din ang bayad ng gobyerno. Fair is fair,” ani Dizon.
Nilinaw niya na hindi layon ng DPWH na ipitin ang mga maliliit na kontratista, kundi tiyakin lamang na bawat sentimo ng pondo ng bayan ay napupunta sa de-kalidad at natapos na imprastraktura.
Sa ilalim ng bagong standard, ang mga progress billing ay ilalabas lamang kapag napatunayan ng mga inspektor na ang porsyento ng nagawang trabaho ay tugma sa hinihinging bayad.
Tinitiyak nito na magkakaroon ng disiplina sa panig ng mga private partners at maiiwasan ang mga “ghost projects” o mga abandonadong konstruksyon sa buong bansa.
