Nananatili at ligtas na nakapiit si retired General Jovito S. Palparan sa New Bilibid Prison (NBP), ayon sa kumpirmasyon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.
Ipinalabas ni Catapang ang pahayag kasunod ng mga tanong mula sa media hinggil sa manifestation na inihain ng mga private complainant na sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño sa Korte Suprema noong Hunyo 9, 2026.
Sa naturang mosyon, nagpahayag ng pangamba ang dalawa matapos makatanggap ng ulat na posibleng inilipat na si Palparan sa ibang pasilidad sa labas ng Muntinlupa.
BASAHIN: Dumlao, isinailalim sa mahigpit na protocol sa New Bilibid Prison matapos i-transfer ngayon
Mariing itinatwa ni Catapang ang mga tsismis at iginiit na walang katotohanan ang mga ito.
“Ang paglilipat ng sinumang bilanggo, partikular ang mga high-profile inmates tulad ni Palparan, ay sumasailalim sa napakahigpit na protocol at nangangailangan ng legal na dokumentasyon,” ani Catapang.
Diin pa ng opisyal na walang anumang rekord ng paglipat ang retiradong heneral.
Tiniyak ng pamunuan ng BuCor sa publiko at sa mga nagrereklamong pamilya na bukas at may pananagutan ang kawanihan sa paghawak ng mga nakapiit sa kanila.
Nangako ang BuCor na patuloy nitong ipatutupad ang mga legal na pamamaraan, at anumang pagbabago sa estado ng pagkakakulong ni Palparan ay agad na iaanunsyo sa official platforms upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
