Inilatag ngayon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga komprehensibong pamamaraan at protocol na dadaanang lahat ng tinanggal sa serbisyong pulis na si Rafael Dumlao matapos itong ilipat sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Catapang, ang mga naturang protocol ay idinisenyo upang tiyakin ang kaligtasan sa kalusugan at seguridad ng mga Person Deprived of Liberty (PDL), pati na rin ang maayos na integrasyon sa sistema ng piitan.
Sa kanyang pagdating sa NBP, agad na isinalang si Dumlao sa isang regular na Quarantine Cell sa Reception and Diagnostic Center (RDC) para sa hindi bababa sa limang araw na obserbasyon.
“Ang krusyal na medical observation period na ito ay naglalayong bantayan ang anumang nakakahawang sakit at magbigay-daan para sa masusing medical at psychiatric examination,” paliwanag ni Catapang.
Susuriin ng healthcare team ang pisikal at mental na kalusugan ni Dumlao upang matukoy ang anumang kapansanan o isyu sa kalusugan ng pag-iisip para sa agarang medikal na interbensyon kung kinakailangan.
Kasabay nito, isang overseer ang magsasagawa ng panayam kay Dumlao upang kunin ang mga mahahalagang impormasyon para sa kanyang PERSONAL Registration Form. Sa prosesong ito, itatala rin ang mga pangalan ng kanyang mga kamag-anak at mga awtorisadong bisita.
BASAHIN: Ex-cop na ‘utak’ sa pagpatay sa Korean businessman arestado
Matapos ang interview, isasagawa naman ng Identification Unit ang pagkuha ng mga fingerprint ni Dumlao na gagamitin sa mga opisyal na dokumento tulad ng Registration Form, Criminal Fingerprint Chart, at Registration Sheet Form.
Kasabay nito, kukunan din siya ng mga mugshot at iba pang kinakailangang larawan ng Photography Unit para sa kanyang prison dossier o mas kilala bilang Carpeta. Kapag natapos na ang mga hakbang na ito, bibigyan si Dumlao ng isang natatanging PDL number na magsisbing pangunahing identifier para sa lahat ng administratibo at pangseguridad na layunin sa loob ng pasilidad.
Pagkatapos ng quarantine period, ililipat si Dumlao sa isang regular na selda na itatalaga ng Overseer. Magsisimula naman ang 55-araw na mandatory orientation, diagnostic assessments, at classification procedures upang ihanda siya sa buhay-komunidad sa loob ng bilangguan.
Sa isasagawang mandatory orientation, ituturo kay Dumlao ang mga tuntunin at regulasyon ng pasilidad, pati na rin ang kanyang mga karapatan at pribilehiyo bilang PDL. Bukod dito, ipapaalam din sa kanya ang mga diagnostic procedure, mga programa sa rehabilitasyon, mga serbisyong pangkalusugan, mga nakalaang time allowance (o bawas sa parusa), at ang grievance machinery na tumutugon sa mga reklamo ng mga bilanggo.
Binigyang-diin ni Catapang na ang RDC ang may pangunahing tungkulin sa paunang klasipikasyon ng bawat bagong pasok na PDL base sa bigat ng kanilang sentensya at security risk. Ito ay upang matiyak na angkop ang kanilang selda at pamamahala ayon sa kanilang custody level at pangangailangan sa rehabilitasyon.
Matatag na sinabi ni Catapang na sa pamamagitan ng mga mabusising pamamaraang ito, patuloy na itataguyod ng BuCor ang kaayusan, seguridad, at kapakanan ng lahat ng bilanggong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.
