Nangako si Senator Bam Aquino na pamumunuan ang isang malalimang imbestigasyon hinggil sa naantalang pagpapatupad ng P67-billion classroom construction program ng pamahalaan, kasabay ng pagsusulong ng mga reporma para tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.
Nitong Martes, ipinahayag ng nagbabalik na chairman ng Senate Committee on Basic Education ang kanyang labis na pagkabahala sa mabagal na paglalabas ng pondo na nakalaan sana para sa pagpapatayo ng 25,000 bagong silid-aralan. Ang naturang pondo ay kabilang sa mga isinulong at tiniyak ng senador sa ilalim ng 2026 national budget.
Binigyang-diin ni Aquino na lubhang nakakaalarma ang pagkaantala ng proyekto dahil kasalukuyang pumapalo sa humigit-kumulang 166,000 classrooms ang kakulangan o backlog sa buong Pilipinas.
“Tututukan natin iyong krisis sa edukasyon. Unang-una, iimbestigahan natin ang P67 billion na nakalaan para sa classrooms,” pahayag ni Aquino. Napansin nito na wala pang nagsisimulang konstruksyon sa kabila ng dambuhalang alokasyon sa ilalim ng record-high na badyet sa edukasyon.
Nagbabala rin ang mambabatas na posibleng mas lalong tumagal ang pagpapatayo ng mga pasilidad dahil sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan na karaniwang nagiging sagabal sa mga infrastructure development sa mga pampublikong paaralan.
Kasabay nito, kinalampag din ni Aquino ang pamahalaan na pabilisin ang paglalabas ng pondo para sa kumpuni ng mga silid-aralan na nawasak ng nagdaang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Batay sa ulat ng Department of Education (DepEd), mahigit 1,000 classrooms ang nagtamo ng pinsala sa mga apektadong lugar, partikular na sa SOCCSKSARGEN at Davao Region.
BASAHIN: 200 classroom winasak ng lindol
“Ayon sa Department of Education, mahigit 1,000 classrooms ang nasira ng lindol sa Mindanao. Dapat bilisan ang paglalabas ng pondo upang maisaayos ang mga ito sa lalong madaling panahon,” giit ng senador.
Ang pagbabalik ni Aquino bilang pinuno ng education panel ay naganap matapos ang reorganisasyon sa Senado sa ilalim ng pamumuno ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Bukod sa mga isyu sa imprastraktura, inilatag din ni Aquino ang ilan sa kanyang mga priority reform. Kabilang dito ang panukalang National Feeding Program na naglalayong magkaloob ng libre at masustansyang pagkain para sa lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Inaasahang isasalang ang naturang panukala sa darating na Hulyo upang mapabuti ang nutrisyon, school attendance, at kakayahan sa pag-aaral ng mga bata.
Nangako rin siyang itutulak ang pagpasa ng School Safety Act upang paigtingin ang mga hakbang laban sa bullying at karahasan sa mga paaralan, pati na rin ang School-to-Employment Program na naglalayong ihanda at gawing mas madaling makakuha ng trabaho ang mga magtatapos sa K-12 program.
