DALAWA pang pangalan ang nadagdag sa listahan ng mga opisyal na ipinakulong ng Senado matapos silang ma-contempt sa patuloy na imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nitong Huwebes, Setyembre 18, ipinasok sa Senate detention facility si public works contractor Pacifico “Curlee” Discaya matapos umanong magsinungaling tungkol sa hindi pagdalo ng kanyang asawa, si Sarah Discaya, sa pagdinig.
Nang tanungin ni Senate President Tito Sotto kung bakit hindi nakadalo si Sarah, iginiit ni Curlee na ito ay may “heart condition.” Ngunit nabuking ito matapos basahin ni Senate Pro Tempore Ping Lacson, chairman ng Blue Ribbon Committee, ang sulat ni Sarah na nagsasabing hindi siya nakarating dahil may naunang pulong kasama ang kanilang mga empleyado.
Kahit binigyan ng pagkakataon na linawin ang pahayag, iginigiit pa rin ni Curlee na bukod sa sakit sa puso, may diabetes at maintenance medication din ang kanyang asawa. Dahil dito, pinasya ng mga senador na cited in contempt siya.
Samantala, pinagbigyan ng komite si Sarah na magpaliwanag sa pamamagitan ng show-cause order kung bakit hindi rin siya dapat ma-contempt.
Si Curlee ay sasama ngayon sa dating Bulacan district engineer Brice Hernandez, na una nang nakulong noong Setyembre 8 dahil sa parehong kaso, bago inilipat sa Pasay City Jail at muling ibinalik sa Senado.
Kasabay nito, inupakan din ng Senado si dating DPWH district engineer Henry Alcantara matapos nitong paulit-ulit na itanggi na may alam siya sa mga “ghost projects” sa Bulacan.
“District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project? Wala ka rin alam kung bakit lumobo ang budget mo. Hindi ba’t dumadaan ‘yan sa lamesa mo?” mariing tanong ni Senador Raffy Tulfo.
Depensa ni Alcantara, “wish list” lamang ang kanilang isinumite sa regional office na siyang nagpadala ng proyekto sa central office.
Ang pagdinig kahapon ay unang pagkakataon ni Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee matapos palitan si Senador Rodante Marcoleta.
