Kinumpirma ni Public Works Secretary Vince Dizon na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na nasasangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Huwebes, sinabi ni Dizon na dalawang gabi na ang nakalipas nang isumite ni Cabral ang kanyang courtesy resignation. Aniya, ipinaalam din ni Cabral sa komite na tinanggap na ng kalihim ang kanyang pagbibitiw, kaya’t humiling itong hindi na dumalo sa pagdinig.
Gayunman, nilinaw ni Dizon na kahit pribadong indibidwal na ngayon si Cabral, maaari pa rin siyang ipatawag ng Senado.
“Of course, even if she’s now just a private citizen and no longer part of the DPWH, I‘m sure if the committee will require her to attend, she still must attend — but now no longer as an official, but as a private citizen,” ani Dizon.
Mariin ding iginiit ng dating blue ribbon chair na si Senador Rodante Marcoleta na ang pagbibitiw sa puwesto ay hindi sapat na dahilan para hindi sumipot sa pagdinig. Sinang-ayunan ito ng kasalukuyang chair na si Senador Panfilo Lacson.
Dahil dito, inihain ni Marcoleta ang mosyon para ipalabas ang subpoena laban kay Cabral. Agad itong sinang-ayunan ni Senador Erwin Tulfo at inaprubahan ni Lacson.
Samantala, tiniyak ni Dizon na ipagpapatuloy ng DPWH ang internal investigation sa kontrobersyal na mga proyekto kahit wala na sa ahensya si Cabral.
Matatandaang sa isang pagdinig sa Kamara noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Cabral ang P51-bilyong infrastructure projects para sa 1st District ng Davao City sa huling tatlong taon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag din ni Lacson na isang staff ni Senate President Vicente Sotto III ang nakatanggap umano ng tawag mula kay Cabral, na nag-aalok ng “insertion” sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Kinumpirma ito ni Sotto at sinabing ipinarating lamang sa kanya ang naturang alok.
