Kalat na kalat sa social media ang intrigang diumano’y may 12 mansyon sa loob ng super-eksklusibong Forbes Park sa Makati si Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa mga post na kumakalat online, hindi lang isa o dalawa kundi dose-dosenang mansyon umano ang nakapangalan o ginagamit ng kongresista sa naturang high-class subdivision na kilala sa pinakamahigpit na seguridad at tinitirhan ng pinakamayayaman at pinakamakapangyarihang personalidad sa bansa.
Isa sa mga bahay na sinasabing pagmamay-ari ni Romualdez sa McKinley Road ang nakunan pa sa kamera, tampok ang dagdag na bakod na umano’y inilagay upang masigurong hindi ito mapuntirya ng galit na publiko sa gitna ng mga paratang ng katiwalian laban sa ilang opisyal ng Kamara.
Nakadugtong ang pangalan ni Romualdez sa kontrobersyal na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinasabing pinasukan ng maanomalyang pondo.
Lalo pang uminit ang usapin dahil ilang kilometro lamang ang layo ng sinasabing mansyon mula sa Luneta, kung saan idaraos sa Setyembre 21 ang tinaguriang “Trillion Peso March.”
Inaasahang dadagsa ang libo-libong mamamayan upang manawagan ng pananagutan mula sa mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa anomalya.
Umuugong din ang mga tsismis na posibleng makilahok ang ilang elemento ng militar sa protesta, na kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.
Hanggang sa ngayon, nananatiling haka-haka pa ang mga alegasyong ito at wala pang pormal na kumpirmasyon mula sa kampo ni Romualdez.
