May 3, 2024

Construction worker na snatcher, arestado sa Malabon

HIMAS-REHAS ang isang construction worker na snatcher matapos hablutin ang isang cellphone ng isang bebot na kasakay niya sa pampasaherong jeep sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong Robbery (Snatching) ang naarestong suspek na si Richelle Mendoza, 44, ng No. 37 Bantayan St. Brgy. Hulong Duhat.

Sa ulat nina PSSg Diego Ngippol at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, katabing nakaupo sa loob ng isang pampasaherong jeep ng biktimang si Jamielyn Laurent Angeles, 26 ng No. 46 Magsaysay St. Brgy. San Agustin, ang suspek na nagkunwaring pasahero.

Pagsapit sa Burgos cor. Gen Luna , Brgy. Concepcion, dakong ala-1:58 ng hapon nang sapilitang inagaw ng suspek ang cellphone ng biktima bago mabilis na bumaba ng jeep saka tumakbo patungong Brgy. Hulong Duhat habang bumaba din ang biktima at hinabol ang snatcher subalit, hindi niya ito inabutan.

Inireport ng biktima ang insidente sa Brgy. Concepcion at matapos suriin ng mga opisyal ng barangay ang kuha ng CCTV sa lugar ng insidente ay natukoy nila ang pagkakilanlan ng suspek kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Brgy. Hulong Duhat kung saan nakatira si Mendoza.

Sa follow up operation ng mga tanod ng Brgy. Concepcion ay naaresto ang suspek subalit, hindi na nabawi ang cellphone ng biktima na nasa P10,000 ang halaga. (JUVY LUCERO)