Nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) ang Commission on Higher Education (CHED) laban sa Ateneo de Manila University matapos umanong mabigo ang unibersidad na magsumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa pagkasawi ng dalawang student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang pahayag na inilabas noong Hunyo 23, sinabi ng CHED na inatasan na nito ang pamunuan ng Ateneo noong Hunyo 9 pa lamang na magsumite ng incident report, certificate of compliance sa CHED Memorandum Order No. 63 series of 2017, at iba pang kailangang dokumento sa ilalim ng Article V ng CHED Memorandum Order No. 6 series of 2026.
Ayon sa komisyon, hindi nagbigay ang Ateneo ng mga hinihinging rekord at impormasyon sa kabila ng paulit-ulit na follow-up at request mula sa CHED National Capital Region (NCR) office.
Dahil dito, sa pamamagitan ng inisyung SCO noong Hunyo 16, pinagpapaliwanag ng CHED ang Ateneo sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkakatanggap ng kautusan.
Obligado ang unibersidad na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa ilalim ng panunumpa (under oath) kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa ukol sa diumano’y paglabag sa mga panuntunan ng off-campus activities, mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act at ang implementing rules and regulations (IRR) nito, at sa diumano’y kawalan ng sapat at makatwirang pangangasiwa (reasonable supervision) sa kanilang mga mag-aaral.
Binigyang-diin ng CHED na nananatili silang tapat sa pagtataguyod at pagprotekta sa kapakanan ng mga estudyante, gayundin sa pagtiyak na sumusunod ang lahat ng Higher Education Institutions (HEIs) sa mga regulasyong pangkaligtasan sa bansa.
