Upang tuluyang maalis ang alinlangan ng mga pamilya at ng publiko ukol sa kinalalagyan ni Jovito Palparan, pinagbigyan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang hiling ng mga complainant na makaharap ang dating heneral para mapatunayang nakaditine pa rin ito sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa ulat na isinumite kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., inihayag ni NBP Superintendent Gary A. Garcia na matapos matanggap ang request nina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, kasama ang kanilang mga abogado, ay agad silang pinayagang makipagkita kay Palparan ng mahigit isang oras.
Ayon kay Garcia, ipinadala at inaksyunan ang request letter sa parehong araw bilang patunay ng mabilis na tugon ng kawanihan.
“Sana noon pa nag-request na sila para hindi na nagkaroon ng kalituhan, dahil willing naman ang BuCor at transparent ang aming ahensya pagdating sa mga ganyang bagay,” ani Garcia.
Nilinaw rin ng opisyal na matagal nang nakalagak si Palparan sa Minimum Security Compound bago pa man umupo si Catapang bilang pinuno ng BuCor.
Ginawa umano ang hakbang na ito dahil sa isyung pangseguridad, dala ng presensya ng mga bilanggong may magkakaibang politikal na kaanib at paniniwala sa Maximum Security Compound.
Matapos ang naturang paghaharap, dumating din sa NBP ang mga special investigator mula sa Commission on Human Rights (CHR) na sina Delfin Banluta, Kirsten Phoebe Bautista, at Marie Bernadette Mirandilla upang magsagawa ng sariling pagsisiyasat sa estado ni Palparan.
Binigyang-diin naman ni Director General Catapang ang pagiging bukas at transparent ng BuCor sa mga bisita at imbestigador, basta’t sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang alituntunin at regulasyon.
“Ang paggarantiya sa kaligtasan ng ating mga Person Deprived of Liberty (PDL) ay isang prayoridad—hindi lamang para kay Palparan kundi para sa lahat ng ipinagkatiwala sa aming pangangalaga,” pahayag ni Catapang.
Idinagdag pa niya na nananatiling tapat ang BuCor sa patas na pagtrato at seguridad sa lahat ng operasyon nito, kung saan walang ibinibigay na espesyal na pribilehiyo sa sinumang bilanggo habang tinitiyak ang kapakanan ng lahat ng nasa ilalim ng kanilang kustodiya.
