Binigyang-diin ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito na dapat maghinay-hinay at pag-aralan munang mabuti ng Kongreso ang legalidad ng panukalang muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Bagamat kinikilala ng senador na nasa ilalim ng kapangyarihan ng lehislatura ang suspensyon ng halalan, iginiit niya na kailangang sumunod ito sa itinakdang guidelines ng Korte Suprema.
Kinuwestiyon ni Ejercito kung maituturing bang sapat na basehan ang nararanasang krisis sa langis upang muling itigil ang nakatakdang halalan sa darating na Nobyembre.
Ipinahayag ng senador ang kanyang pagkabahala dahil marami sa mga kababayan ang sabik nang makapili ng mga bagong pinuno sa kanilang mga barangay.
Nagbabala rin si Ejercito na ang sunod-sunod na pagpapaliban ay maaaring magresulta sa paglampas ng mga potensyal na lider ng kabataan sa kanilang tinatawag na “productive years.”
Aniya, baka mapagkaitan ng pagkakataong makapaglingkod ang mga kabataang may kakayahan sana na maging mahusay na lider ng SK dahil lamang sa panibagong suspensyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling mainit ang diskusyon sa Senado kung itutuloy ang halalan o kung muli itong uusad sa ibang petsa para sa ika-ilang pagkakataon.
Ayon kay Ejercito, sayang kung malampasan o mapagkaitan ng pagkakataong maglingkod ang mga mahuhusay na lider ng kabataan dahil sa mga delay na ito sa proseso ng demokrasya. (AR BERNARDO)
