Pormal nang kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagsisimula ng mga paghahanda ng Senado para sa posibleng pag-akyat ng articles of impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte mula sa Mababang Kapulungan.
Sa isang pulong kasama ang Senate Majority Bloc, binigyang-diin ni Sotto ang kahalagahan ng kahandaan ng mga senador na gaganap bilang mga senator judges.
Inihayag ni Sotto na sumasailalim na siya sa isang “crash program” hinggil sa Rules of Court na paiiralin sa paglilitis, kasabay ng sariling panuntunan ng Senado.
Kinumpirma nina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, Sen. Sherwin Gatchalian, at Sen. JV Ejercito ang kanilang pagdalo sa nasabing pulong. Ayon sa mga senador, nagsimula na rin silang kumonsulta sa mga dalubhasang abogado at dating mga mahistrado ng Korte Suprema.
Bukod sa legal na aspeto, tinalakay din sa pulong ang magiging loading ng Senado sa mga susunod na buwan.
Sinilip na ang posibleng iskedyul para sa impeachment trial upang hindi masagasaan ang mga regular na plenary sessions, committee hearings, at iba pang mga imbestigasyon.
Ayon kay Sen. Lacson, hinikayat niya si Sotto na paghandaan ang mga legal na hamon na maaaring lumitaw.
Kabilang dito ang napaulat na planong pagkwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta sa mismong pagsasagawa ng impeachment trial.
“Makabubuti na pare-pareho kaming maghanda sa aming magiging papel bilang senator judges,” pahayag ni Sotto.
Sa ngayon, hinihintay ng Mataas na Kapulungan ang pormal na aksyon mula sa Kamara bago opisyal na mag-convene bilang isang Impeachment Court. (AR BERNARDO)
